Year round feeding program sa malnourished na mag-aaral inilunsad ng BuCor
MANILA, Philippines — Sinimulàn na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang feeding program na isasagawa sa buong taon para sa mahigit 105 malnourished at kulang sa timbang na mag-aaral ng Itaas Elementary Schools (IES) sa Muntinlupa City, nitong Biyernes.
Ang nasabing programa na tinaguriang “Batang Busog Malusog”, ay inilunsad upang tulungang makabangon ang mga bata na ayon sa datos na ibinigay ni Ms. Rhodora Mandap, punong-guro ng IES, na ang nasabing bilang ay nasa kategoryang ‘wasted’ at ‘severely wasted’ .
Ang wasted at severely wasted batay sa UNICEF o United Nations Children’s Fund (dating United Nations International Children’s Emergency Fund), ay pinakamapanganib na anyo ng undernutrition at pinakanakamamatay na uri ng undernutrition at isa sa mga nangungunang banta sa kaligtasan ng bata dahil ang mga batang ‘wasted” ay 12 beses na mas malamang na mamatay kaysa sa isang masustansyang bata.
Hindi nakadalo si BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na kinatawan si CTSupt. Dorothy Bernabe Acting Director, Directorate for Reformation.
Isang mensahe mula kay Catapang ang binasa sa feeding program na nangakong tuwing Biyernes ng buong school year isasagawa ang feeding program.
Sinabi ni Catapang na titiyakin niya ang tagumpay ng programang ito sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa mga boluntaryong doktor at dietitian upang masubaybayan ang pag-usad ng mga mag-aaral sa ilalim ng programa.
Namigay din ng bitamina ang mga kawani ng Bucor sa mga estudyante.
Ang pondo para sa programa ay nagmula sa mga nalikom sa 1st BUCOR CUP shoot for a cause na nakapaglikom ng halos P500,000.
- Latest