Gymnasium ng NKTI ginawang leptospirosis ward
Bilang ng tinamaan ng karamdaman lumobo
MANILA, Philippines — Isa na ngayong Leptospirosis Ward ang gymnasium ng National Kidney and Transplant Insttitute (NKTI) sa East Avenue, Quezon City.
Ito ay makaraang sumipa ang kaso ng naturang sakit pagkatapos ng may dalawang linggo nang pananalasa ang bagyong Carina na pinalakas ng habagat sa bansa partikular sa Metro Manilaa.
Nagdulot ito nang pagbaha sa ibat ibang bahagi ng NCR at karatig lalawigan.
Sinabi ni Deputy Executive Director Dr. Romina Danguilan ng NKTI, 90 percent ng mga pasyente sa ospital na isinasailalim sa dialysis ay epekto ng naturang sakit.
Sinabi ni Danguilan na kailangang mai-convert na Lepto ward ang kanilang gymnasium upang maserbisyuhan ang lahat ng pasyenteng dinadala sa ospital na nangangailangang gamutin.
Kahapon anya ay may 28 bagong pasyente ang na-admit sa pagamutan na may severe leptospirosis at noong nakaraang dalawang linggo ay may dalawang pasyente ang namatay dahil sa kumplikasyon.
Sinabi ni Danguilan na nangangailangan sila ngayon ng dagdag na staff nurses at internal medicine doctors dahil sa inaasahang tataas pa ang bilang ng mga pasyenteng may leptospirosis dahil ngayon ay panahon ng tag-ulan na maraming lugar ang binabaha.
Ang leptospirosis ay mula sa dumi ng daga na nahahalo sa tubig baha at kapag nalubog sa kontaminadong tubig ang isang tao laluna kung may sugat ay maaaring magkaroon ng naturang sakit.
Ang isang taong may sakit na leptospirosis ay masakit ang ulo, mataas ang lagnat, nagtatae, masakit ang katawan, mapula ang mata at walang ganang kumain.
Ayon sa Department of Health (DOH) noong July 14 hanggang 27 ay may 67 kaso ng leptospirosis ang naitala ng ahensiya.
- Latest