PWD tepok sa sunog sa Maynila
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang person with disability (PWD) nang ma-trap sa nasusunog na bahay at kasamang lamunin ng apoy, sa isang residential at commercial area, sa Paco, Maynila, umaga ng Miyerkules.
Kinilala ang biktimang si alyas “Den”, 23-anyos, na natagpuan sa ikalawang palapag ng nasunog na 2-storey apartment na pag-aari ng isang Venerendo Tablo, sa No. 1441 Merced St., malapit sa panulukan ng San Antonio St.,sakop ng Barangay 681, sa Paco.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Paco, sinabi umano ni Rhea Ann Tablo, na habang naliligo siya sa banyo ay nakaamoy siya ng nasusunog na bagay kaya sumilip sa kaniyang silid kung saan nagmumula ang apoy.
Sinubukan niyang pasukin ang kuwarto upang ilikas ang kapatid na si Den, subalit bigo na siya kaya ipinaalam sa inang si Mae Tablo, 50-anyos, na nagbabantay sa kanilang tindahan sa ground floor na agad tumawag ng mga bumbero.
Idineklara ni BFP Fire Inspector Cesar Babante na fire-out na pagsapit ng alas-11:38 ng umaga kahapon na nagsimula alas-10:20 ng umaga at umabot lamang sa ikalawang alarma.
Tinatayang P70,000 ang pinsala sa mga ari-arian, sa sunog na patuloy na inaalam ng awtoridad ang sanhi nito.
- Latest