5 Vietnamese ipinaaresto ng pinapasukang kumpanya
MANILA, Philippines — Ipinadakip ng isang kilalang financial services company ang limang Vietnamese national nang matuklasang iligal na naglipat ng USD45,000 sa ginawa nilang ibang account, sa Makati City, nitong Martes.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Vong,” 38 taong gulang; alyas “Su,” 30;, alyas “Nguyen,” 27; alyas “Chong,” 31; at alyas “Lam,” 31.
Sa ulat ng Makati City Police Station, pawang sangkot ang limang dayuhan sa paglabag sa cybercrime at qualified theft o Article 310 ng Revised Penal Code (Qualified Theft) in relation to Republic Act 10175 (Anti-Cybercrime Act of 2012), sa reklamo ng Executive Assistant ng pinapasukang kumpanya sa Paseo De Roxas Street, Makati City.
Nadiskubre nitong Hulyo 30, 2024, alas-5:58 ng umaga ang ginawang hindi awtorisadong paglilipat ng cryptocurrency na nagkakahalaga ng USD 45,000 mula sa Imtoken E-wallet ng kumpanya patungo sa isa pang account na kanilang ginawa.
Kinumpirma ng kumpanya ang iligal na transaksyon, na humantong sa agarang pag-aresto sa mga suspek matapos marekober ang resibo ng online transaction.
May access ang mga suspek sa online account ng kumpanya bilang financial staff, at ang ninakaw na e-money ay inilaan para sa operational funds ng kumpanya.
- Latest