Bodega ng tumbler nasunog, 4 nasaktan
MANILA, Philippines — Apat na indibidwal ang pawang nasaktan sa isang sunog na sumiklab sa isang bodega ng mga tumbler sa Quiapo, Manila kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina FO2 Claro Dulnuan, 34, ng Sta. Mesa Fire Station, na nahirapang huminga at nahilo; FO3 Daryl Aquilando, 35, ng San Nicolas Fire Station, na nagtamo ng hiwa sa daliri; Kenneth Manonog, 23, na nahirapang huminga matapos na makalanghap ng makapal na usok; at Cliff Osmeña, 17, na nasugatan din sa daliri.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong ala-1:35 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa bodega ng mga tumblers, sa Calero St., kanto ng Claro M. Recto Avenue sa Quiapo.
Umabot ng ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang under control dakong alas-5:30 ng madaling araw.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa P15 milyon ang halaga ng mga ari-ariang napinsala ng sunog, na inaalam pa ang pinagmulan.
- Latest