2 pulis-Maynila nanakit, nanutok ng traffic enforcer
Sinita na walang helmet, naka-tsinelas
MANILA, Philippines — Dalawang pulis Maynila ang inireklamo ng pananakit at panunutok ng baril ng traffic enforcer ng Valenzuela City government nang sisitahin niya dahil sa kawalan ng suot na helmet nitong Linggo ng madaling araw Brgy. Mabolo, Valenzuela City.
Sa kanyang pagharap sa press conference kahapon kasama si Mayor Wes Gatchalian, mangiyak-ngiyak na ikinuwento ni Ronaldo David, 42, traffic enforcer ng Traffic Management Office-Valenzuela ang kanyang sinapit sa kamay nina Staff Sgt. Ernesto Camacho at Staff Sgt. Masong Cabudoy, kapwa nakatalaga sa Del Pan Police Station 12 ng Manila Police District.
Ayon kay David, alas- 4:30 ng madaling araw ng Hulyo 14, Linggo habang papasok siya sa trabaho nang mapansin at mapatingin sa dalawang sakay ng motorsiklo na walang helmet at naka-tsinelas. Agad naman siyang nilapitan ng mga mga pulis na noo’y kapwa lango sa alak at sinabihan ng “ano tinitingin tingin mo?”
Upang makaiwas sa gulo minabuti ni David na umalis subalit ginitgit at sinundan pa rin siya ng mga ito hanggang sa tuluyang magkomprotahan sa M.H. del Pilar, Brgy. Mabolo.
Hindi inakala ni David na mga pulis ang kanyang nakabangga.
Tinutukan ng baril sa sikmura, pinagbantaan at itinumba pa ng mga pulis ang motorsiklo ni David na nakuhanan din sa CCTV ng barangay. Habang nakatutok ang baril, sinabihan pa siya ni Cabudoy ng “Gusto mo patayin kita dito?”. Sa puntong iyon, inakala ni David na katapusan na niya kaya nagsabi siya na “lima po anak ko”.
Bahagyang humupa ang gulo nang mamagitan si PCpl. Dale Vargas Dela Pena na kasama ng mga pulis na sina Camacho at Cabudoy sa umano’y “staycation”.
Sa tulong ng Valenzuela Police at ni Dela Peña natukoy sina Camacho at Cabudoy.
- Latest