Lider ng ‘organ for sale’, hindi head nurse ng NKTI
MANILA, Philippines — Nilinaw ng pamunuan ng National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City na hindi nila head nurse ang sinasabing lider ng “organ for sale” syndicate na tinutugis ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ang isinagawang raid sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon kay Dr Rose Marie Rosete- Liquete, executive director ng NKTI na may iniimbestigahan silang nurse sa kanilang ospital pero itinatanggi nito na may kinalaman siya sa modus ng nasabing sindikato.
“Sa amin sa NKTI, itong empleyado namin ay hindi naman siya head nurse. Nurse nga siya rito sa NKTI pero inimbestigahan na namin siya siyempre, nagde-deny siya,” sabi ni Liquete.
Sinabi ni Liquete na ang nasabing nurse ay hindi nakatalaga sa unit na may direct access sa mga pasyente. Wala rin aniyang mga tauhan ng NBI ang nagtutungo sa kanila para imbestigahan ang nurse at iba nilang medical staff.
Binigyang diin pa ni Liquete na wala ring nagaganap na kidney transplant sa NKTI na hindi dumaraan sa tamang proseso. Ang pagdo-donate aniya ng kidney ay hindi madali ang proseso at ang pagtatakda ng transplant ay hindi biglaan dahil daraan pa sa work-up ang donor at pasyente.
Una nang nahuli ng NBI ang tatlong sangkot sa organ for sale sa Bulacan at 9 katao naman na-rescue sa pagsalakay habang sinabing tinutugis pa nila ang isang head nurse ng isang ospital na nagsisilbing lider ng live trafficking.
- Latest