Higit P3 milyong shabu nasabat sa buy-bust sa sementeryo
MANILA, Philippines — Nasa mahigit P3-milyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa tatlong ‘tulak’ sa isinagawang buy-bust operation sa Golden Heaven Memorial Park, sa Barangay Pulang Lupa 1, Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Totie”, 48, residente ng Brgy. Zapote, Bacoor City; alyas “Joan”, 47, ng Brgy. Pamplona 1, Las Piñas City; at alyas “Jenny”, 58, ng San Dionisio Parañaque City. Inilagay na rin sa talaan ng high value individual (HVI) sina Totie at Jenny matapos ang pag-aresto.
Sa ulat, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad at isang pulis ang nagsilbing poseur buyer.
Ikinasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Special Operations Unit ng National Capital Region, Drug Enforcement Group na pinangunahan ni PMajor Limuel June Sigua dakong alas-2:55 ng madaling araw sa nasabing sementeryo.
Kabuuang 450 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P 3,060,000.00 ang narekober sa mga suspek habang nabawi ang boodle money na may isang genuine P1,000 bill at timbangan.
- Latest