Pader binangga ng jeep: 12-anyos nabagsakan, patay
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 12-anyos na batang babae matapos mabagsakan ng pader na binangga ng isang delivery jitney na nawalan ng preno at dumausdos pababa sa parking lot ng isang supermarket sa Brgy. Burol 1, Dasmariñas City, Cavite nitong Miyerkules ng gabi.
Dead-on-arrival ang batang biktima na kinilala lang sa alyas Pauline, panganay na anak at kaka-graduate lang umano sa iskul.
Pinaghahanap na ng pulisya ang tumakas na 38-anyos na si William Castillo, driver ng Isuzu Cargo Jitney na may plakang WML 442 at residente ng Tiaong, Quezon.
Ayon kay PLt. Col. Julius Balano, hepe ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-8:50 ng gabi habang paakyat sa ikalawang palapag ng hypermarket ang jeep na may kargang mga saging na saba nang bigla umanong mamatay ang makina at pumalya ang preno nito. Dahil dito, hindi nakayanan ang bigat na karga sanhi upang dumausdos pababa ang sasakyan at tumama ang likurang bahagi sa konkretong pader at gumuho.
Sa kamalasan, nahulog ang mga tipak ng pader sa kabahayan sa ibaba ng supermarket sanhi upang masapol ang 12-anyos na kanyang ikinasawi, habang nasugatan ang kapatid nito na 1-anyos na si alyas Clariss, at isang Jennylene Balderamos, 28-anyos, may-asawa, taga-Brgy Burol 1, Dasmariñas City.
Kuwento ng ina ng bata, humiga-higa pa ang anak sa upuan sa may bandang pintuan kasama ang bunsong kapatid, gayunman, ilang minuto lang ang nakalilipas nang makarinig na siya ng lagabog at buhos ng mga bato hanggang sa makitang wala nang buhay ang anak matapos mabagsakan.
Ayon pa sa ina, mula Batangas ay dumayo lang sila sa Dasmariñas City para magbakasyon pero trahedya ang kanilang sinapit.
- Latest