1 pang miyembro ng ‘Luffy Gang’, dineport
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na ipina-deport na nila kahapon sa Japan ang isang Japanese national na hinihinalang miyembro ng notoryosong “Luffy Gang”, na isinasangkot sa theft at fraud cases sa kanilang bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang 54-anyos na si Takayuki Kagoshima at ang kanyang team ng Japanese police escorts ay umalis ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dakong alas-10:00 ng umaga, lulan ng Japan Airlines flight patungong Narita, Tokyo.
Ani Tansingco, si Kagoshima ang ikapitong suspected member ng Luffy Gang na ipina-deport ng BI, simula nang maiulat sa kanilang tanggapan ang presensiya nila sa bansa.
Ang anim sa mga miyembro ng gang ay ipina-deport ng BI noong Pebrero at Marso, alinsunod sa summary deportation order na inisyu laban sa kanila ng BI board of commissioners noong Oktubre ng nakaraang taon.
Nabatid na si Kagoshima ay inaresto sa Pasay City noong Marso 4 ng mga operatiba mula sa BI Fugitive Search Unit (FSU). Siya ay subject ng outstanding arrest warrant na inisyu ng hukuman sa Fukuoka prefecture, Japan dahil sa kaso ng pagnanakaw.
- Latest