P/Colonel, 2 pa timbog sa ‘rentangay’ carnapping
Sasakyan ibinebenta online
MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa isinagawang entrapment operation sa Parañaque City ang isang police official at dalawang sibilyan matapos na iturong sangkot sa “rentangay” carnapping modus sa Bamban, Tarlac.
Kinilala ang mga dinakip na sina PLt. Col. Gideon Ines, Jr.; 52; Michael Perez Bautista, 42 at Lyn Salazar Tuazon, 25.
Nag-ugat ang pagdakip sa tatlo sa reklamong inihain ng may-ari ng isang multi-purpose vehicle (MPV) matapos na malamang ibinebenta ng mga suspek ang kanyang sasakyan sa halagang P350,000 nitong Hunyo 5.
Ayon sa complainant, tinawagan siya ng bibili kung siya mismo ang may-ari ng sasakyan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na inarkila ni Bautista nitong Hunyo 2 ang sasakyan ng complainant sa loob ng dalawang araw subalit hindi ito naibalik.
Anang complainant, si Bautista ang kumuha ng sasakyan matapos na maproseso ang pagrenta sa online ni Tuazon.
Inaalam na ng pulisya ang impormasyon na si Ines naman umano ang nag-uutos sa pagbebenta ng sasakyan.
Agad na humingi ng tulong ang complainant sa HPG at isinagawa ang entrapment operation sa Baclaran, Parañaque City na nagresulta ng pagkakadakip ng tatlong suspek at pagbawi sa nasabing sasakyan.
- Latest