Notoryus drug trafficker, timbog sa P85 milyon shabu!
Bahay sinalakay sa Makati
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa P85-milyong halaga ng iligal na droga mula sa isang major drug network ang nasamsam ng mga awtoridad nang isilbi ang warrant of arrest laban sa isang hinihinalang bigtime drug dealer na may kaugnayan din ang kaso sa iligal na droga, sa Makati City, Huwebes ng gabi.
Sa ulat na isinumite kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/Major General Jose Melencio Nartatez Jr., matagumpay na naaresto ang isang alyas “Aureo”, sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Sections 11 at 12 ng Republic Act 9165.
Nasamsam mula kay Aureo ang 12.5 kilo ng pinaniniwalaang shabu na may katumbas na halagang P85,000,000.
Dakong alas-7:20 ng gabi ng Mayo 30, 2024, nang salakayin ang bahay ni Aureo sa Brgy. Poblacion, Makati City ng pinagsanib na operatiba ng RegionalSpecial Operations Group (RSOG), Regional Intelligence Division (RID), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), Special Drug Enforcement Unit ng Makati CPS, Makati SWAT, Makati Sub-station 6, Makati CPS, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-NCR.
Nagkataon na narekober sa loob ng kaniyang bahay ang 24 malalaking pakete ng hinihinalang shabu na may tig-500 gramo; 2 medium-sized self-sealing plastic sachet na may 400 gramo ng shabu; 3 maliliit na plastic sachet na may lamang shabu; 2 plastic sachet na may lamang kush; mga praphernalias; mga identification card ni Aureo; ilang bank cards, at susi ng Peugeot Sedan na kulay blue, na may plakang NCD 7353.
Ayon pa sa ulat, si Aureo na ipinanganak sa Guiuan, Eastern, Samar at nang siya ay 4-taong gulang ay nanirahan sa Amerika. Noong 2004 ay convicted siya sa kasong robbery habang ang attempted murder na kasabay nito ay na-dismiss. Matapos ang 9 na taon ay nai-deport siya pabalik sa Pilipinas taong 2010.
Noong Mayo 6, 2021, isa siya sa nadakip sa buy-bust operation ng PDEA-NCR sa Rizal Drive, BGC, Taguig City, na nakasuhan ng Sections 11 and 12 ng R.A. 9165 nang makumpiskahan ng P1.9 milyong iligal na droga.
Nabatid pa na noong Mayo 22, 2021, naaresto rin si Aureo sa ikinasang search warrant ng PDEA at Pasig City Police Station, sa kaniyang condominium unit sa Brgy. Pineda, Pasig City, at nakumpiskahan ng P2.5 milyong halaga ng iligal na droga.
Bukod pa rito, si Aureo na dating gumamit ng alyas na “Jonathan Ravelo”, ay naging target din ng search warrant operation noong Mayo 24, 2024, sa kaniyang condo unit sa Manansala Residences, sa Brgy. Poblacion, Makati, subalit siya ay nakatakas at nasamsam ang 85 gramo ng shabu; 295 gramo ng acetophenetidin; 600 gramo ng acetophenazine; 1.5 gramo ng kush; at 2 plastic na may ecstacy,; 2 9mm pistola at isang caliber 38 revolver.
- Latest