2 pulis-SAF sa ‘moonlighting’ nasa restrictive custody na – PNP
MANILA, Philippines — Inilagay sa “restrictive custody” ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang dalawang tauhan nito na nasangkot sa “moonlighting” matapos magsilbing bodyguard ng isang Chinese national sa Muntinlupa City.
Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo, ito’y makaraang ipag-utos ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office ang pagpapalaya kina Cpl. George Mabuti at Pat. Roger Valdez sa Muntinlupa City Police Station habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kanilang kaso.
Matapos namang makalaya sa kulungan, agad na ipinasundo ang dalawang pulis ng liderato ng SAF para dalhin sa kanilang Punong Tanggapan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon kay Fajardo, nakasaad sa naging resolusyon ng prosecution na binibigyan ang dalawang pulis ng pagkakataong ilahad ang kanilang panig sa pamamagitan ng isusumiteng counter affidavit.
Matatandaang nabisto ang “raket” ng dalawang SAF commando matapos magsuntukan sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City noong May 18 at natuklasang naka-deploy sila sa Zamboanga subalit nagsisilbi umanong escort ng Chinese na opisyal ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Muntinlupa.
Dahil dito, sinibak sa puwesto sina Mabuti at Valdez, kasama ang pito pang opisyal na kinabibilangan ng battalion commander, company commander at platoon leader dahil sa insidente.
- Latest