Lalaki sa Tondo sinaksak 'dahil sa longganisa,' patay
MANILA, Philippines — Binawian ng buhay ang isang 24-anyos na lalaki sa Tondo, Maynila matapos makatikim ng panananaksak dahil diumano sa away tungkol sa ninakaw na longganisa.
Linggo nang mahagip ng CCTV ang biktimang si Jester Mullet habang naglalakad sa Barangay 128 bago biglang habulin at pagsasaksakin ng suspek. Tatlong saksak ang tinamo Mullet gamit ang kutsilyo, ayon sa ulat ng ABS-CBN nitong Martes
"Ayon din sa mga na-interview natin sa lugar... itong suspek ay may ninakaw na longganisa na pagmamay-ari ng barangay official," ani Police Captain Dennis Turla, hepe ng Homicide Division ng Manila Police District.
"Ito ang ikinagalit ng ating biktima kaya noong nakita niya ito ay nagulpi. Pinaggugulpi siya ng biktima. Doon na nagsimula ang kanilang hindi magandang relasyon."
Nakita pa ng CCTV kung paanong nakatakbo at nakasakay pa ng tricycle ang biktima. Gayunpaman, bumagsak at dead on the spot ang lalaki habang papalipat sana sa isa pang tricycle.
Magkasabwat noon?
Ayon naman kay Kagawad Diego Valencia ng Barangay 128, Zone 10, matagal na nilang nababalitaang nag-aaway ang dalawa. Gayunpaman, "magkasabwat" aniya ang dalawa noon. Ang biktima diumano ang nagbebenta ng longganisa na ninakaw ng suspek.
Itinanggi raw kalaunan ng biktima na naging kasabwat niya ang suspek matapos makaharap ng huli ang may-ari ng longganisa.
"Sa sobrang galit ng bktima, binugbog niya ang suspek kaya sumama ang loob ng tao. Kaya siguro nagawa niya yung pagpatay sa kanya," ani Valencia.
"Talagang sabi niya [ng suspek], ‘Paglaya ko bibirahin ko yan [biktima] dahil sa ginawa niya sa akin…' na nangyari na nga."
Hindi naman itinanggi ng suspek ang kanyang nagawa kung kaya't nagawa niya diumanong sumuko. Sa kabila nito, sinabi ng nakapatay na nakaw na longganisa ang binenta sa kanya ng biktima.
Dagdag pa niya, kahit na ang biktima ang nagnakaw nito ay siya ang itinuro ng naunang kumuha nito sa may-ari.
Nagdadalamhati naman ang pamilya ng namatay matapos ang insidente.
"Bigyan katarungan yung anak ko... Wala na ko magagawa, andiyan na. Kahit manghingi siya ng pasensya, aanhin namin ang pasensya niya? Wala namang kasalanan 'yun eh," ani Maricel Mullet na ina ng biktima.
Kasalukuyang nakadetine sa Manaila Police District ang suspek at haharap sa reklamong murder.
- Latest