Ina ng Maute terrorists, hinatulan ng 17-40 taong pagkakakulong
MANILA, Philippines — Napatunayang “guilty” ng mababang korte sa paglabag sa Section 4 of Republic Act 10168 o “The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 si “Farhana Maute”, isang high value target financier at ina ng mga miyembro ng “Maute terrorist group” sa Marawi City.
Sa 39-pahinang desisyon na nai-promulgate nitong Miyerkules, Mayo 15, 2024, idineklarang “guilty beyond reasonable doubt” ng Regional Trial Court (RTC) Branch 266, Taguig City si Ominta Romato Maute alyas “Farhana Maute”.
Sa record ng korte, noong Hulyo 29, 2016, ipinagamit ni Ominta ang kaniyang Toyota Innova na may Conduction Sticker No. YM6499, Engine Number 2KDS487239 at Chassis No. KUN405120908 sa limang terorista na sina Mohammad Khayam Romato Maute, Omar Khayam Romato Maute, Abdullah Romato Maute, Mahater Romato Maute at Najib C. Pundug.
Sa parehong petsa, nasabat ng mga awtoridad ang nasabing sasakyan na nakarehistro kay Farhana at nakatakas ang mga sakay, subalit nasamsam ang ilang Improvised Explosive Devices (IEDs) sa loob nito.
Bago nito, si Farhana at ang nabanggit na limang terorista ay gumawa ng serye ng “savage and inhumane acts” kabilang ang kidnapping at pamumugot ng ulo sa mga sibilyan sa Lanao Del Sur mula Abril 4 hanggang 10 ng 2016.
Kinasuhan ng korte si Ominta para sa “Terrorism Financing” makaraang bukas siyang ipagamit ang Toyota Innova na nakarehistro sa ilalim ng kanyang pangalan, sa mga kilalang terorista na naghahasik ng karahasan.
“After a judicious review of the records and evidence of this case, the Court finds that the prosecution was able to prove the elements of the crime of terrorism financing,” saad sa desisyon ni Judge Marivic C. Vitor.
Pinuri naman ni Justice Secretary Remulla ang prosecution panel na naging matapang at masigasig na isulong ang kaso para sa tagumpay na maipa-convict ang nasabing terorista.
- Latest