5 sangkot sa pamamaril sa KTV bar sa Las Piñas, kinasuhan
MANILA, Philippines — Lima katao ang sinampahan ng reklamo sa piskalya kaugnay sa insidente ng pamamaril sa isang KTV bar na ikinasugat ng apat na kabilang ang isang babae sa Barangay Pamplona Uno, Las Piñas City noong Abril 20, 2024.
Sa progress report ng Southern Police District, ang mga respondents ay kinilalang sina alyas “Boss Gerry”, isang alyas “Dexter”, dalawang John Does at isang Jane Doe na ipinagharap ng frustrated murder sa pamamagitan ng direct filing sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.
Inirekomenda rin ng Las Piñas Police sa PNP-Firearms and Explosives Office at Civil Security Group ang pagbawi o revocation ng License To Own and Possess Firearms (LTOPF) at ipinakakansela ng registered firearms ni alyas Boss Gerry.
Patuloy ang pagkalap ng impormasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng iba pang suspek para sa kanilang ikadarakip.
Samantala, sinibak sa puwesto at kinumpiska ang service firearm ng isang aktibong pulis na kasama ng mga biktima sa nasabing KTV bar. Inilipat siya sa District Headquarters para sa Restrictive Custody matapos sampahan ng reklamong grave neglect at less grave neglect of duty.
Matatandaang apat na katao ang sugatan kabilang ang isang babaeng kritikal nang pagbabarilin sa KTV bar sa Alabang Zapote Road, Pamplona Uno, Las Piñas City noong Abril 20. Kaugnay nito, umapela sa publiko ang SPD, partikular sa netizens na huwag nang ipakalat pa sa social media ang CCTV footage video na may sensitibong pangyayari.
- Latest