PLM magpapatupad ng ‘online class’
MANILA, Philippines — Pinahihintulutan na ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang pagdaraos ng online class sa kanilang unibersidad dahil sa nararanasang matinding init ng panahon.
Sa abiso ng pamunuan ng PLM, sisimulan ang paglilipat sa alternative mode of learning sa Lunes, Abril 15.
Ayon sa PLM, ginawa nila ang desisyon upang protektahan ang mga guro at mga estudyante laban sa matinding init. Bahagi rin anila ito ng kanilang mitigation efforts laban sa dangerous levels o mapanganib na antas ng heat index sa Maynila.
Anang unibersidad, magbibigay sila ng update sa mga estudyante hinggil sa pagbabago ng class schedules, kasabay ng paglalabas nila ng mga guidelines para sa online classes.
“The PLM administration will release updates should there be further developments and changes on the conduct of classes,” anang PLM.
Matatandaang una nang nagpatupad ng adjustment sa schedule ng klase ng mga mag-aaral sa public schools sa Maynila dahil din sa matinding init.
Alinsunod sa kautusan ng Division of City Schools sa Maynila, simula Abril 11 hanggang Mayo 28 ay magiging half day na lamang o mula 6:00 ng umaga hanggang 12:00 tanghali ang face-to-face classes sa lahat ng public schools sa lungsod.
- Latest