Cameroon nakipag-eyeball, bugbog sarado sa 5 holdaper
Bebot nakilala sa FB dating app
MANILA, Philippines — Isang Cameroon national na makikipag-eyeball sa babaeng kanyang nakilala sa Facebook ang binugbog at hinoldap ng limang kalalakihan kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Josue Kouamo Dzoute, 34, binata, IT at, residente ng Cluster 3721 Cambridge Village, Brgy. San Andres, Cainta, Rizal.
Kinilala ang isa sa mga suspek na si Marlon Austria Lucas, 43, ng No. 23 Daropa Road, Baesa Road, Brgy. Baesa, Quezon City, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng apat pang kasabwat.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 2:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa eskinita ng Baesa Road, sa Brgy. Baesa, sa lungsod.
Sa pagsisiyasat ni PMaster Sgt. Rhic Roldan Pittong, sakay ng Move It motorcycle ang biktima at nagpababa sa Baesa Road upang makipagkita sa isang alyas ‘Che-Che’ na nakilala niya sa Facebook dating app. Subalit agad itong nilapitan ni Lucas at apat na iba at dinala sa eskinita at doon ay pinagtulungang bugbugin.
Tinutukan din ng mga suspek ng kutsilyo ang biktima at puwersahang kinuha ang kanyang Samsung FE S20 cellphone na nagkakahalaga ng P15,000, Vivo 1814 na P10,000 ang halaga at P5,000 cash.
Nagsisigaw ang biktima at narinig naman ng Move It driver nito na si Vincent Dawang na agad humingi ng tulong sa barangay.
Sa photo gallery, positibong itinuro ni Dzuote si Lucas. Posibleng modus na umano ni Lucas ang grupo nito ang insidente.
Dinala sa ospital ang biktima na nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan habang patuloy pang tinutugis ng pulisya ang mga suspek.
- Latest