Liquor ban, half day sa klase at trabaho idineklara sa Maynila
MANILA, Philippines — Nagdeklara si Manila Mayor Honey Lacuna ng liquor ban sa paligid ng mga simbahan at half day na pasok sa klase at trabaho sa lungsod nitong Miyerkules Santo.
Nabatid na nilagdaan ni Lacuna ang Executive Order No. 9 na nagpapatupad ng dalawang araw na ban sa pagbebenta at pag-inom ng mga nakalalasing at alcoholic beverages sa loob ng 500 metrong radius ng lahat ng Simbahang Katolika sa lungsod.
Magiging epektibo ang naturang liquor ban sa Marso 28, Huwebes Santo, at Marso 29, Biyernes Santo.
Layunin umano nitong tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa buong panahon nang paggunita ng Semana Santa sa lungsod.
Mahigpit ding inatasan ni Lacuna ang Manila Police District (MPD) at lahat ng law enforcement agency sa lungsod na istriktong ipatupad ang naturang direktiba.
Kasabay nito, nagdeklara rin si Lacuna ng half day classes sa lahat ng antas sa public at private schools sa lungsod, gayundin ng half day work para sa city government employees nitong Marso 27, Miyerkules Santo.
Sa abiso ng Manila Public Information Office (Manila PIO), na pinamumunuan ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Lacuna, nabatid na nilagdaan ng alkalde ang Executive Order No. 8 upang bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante at mga city government employees ng pagkakataon na obserbahan ang Semana Santa, kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
- Latest