Diagnostic Center-2 ng Las Piñas City pinasinayaan
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar ang pagpapasinaya sa ikalawang diagnostic center ng lokal na pamahalaan, na matatagpuan sa Barangay Daniel Fajardo nitong Marso 14.
Kasama ni Mayor Aguilar sina Vice-Mayor April Aguilar, City Health Committee head Councilor Peewee Aguilar City Health Office Officer-in-Charge (OIC), Dr. Juliana Gonzalez at department heads, nang pormal na buksan ang Las Piñas City Diagnostic Center-2 na karagdagan sa komprehensibong programang pangkalusugan ng lungsod.
Sinabi ng alkalde na ang Diagnostic Center-2 ay magbibigay ng libreng mga serbisyo sa laboratoryo para sa mga kuwalipikadong residente sa lungsod upang hindi na gumastos sa kinakailangang laboratory tests mula sa mga pribadong pasilidad.
Kabilang sa makukuhang libreng serbisyo ay ang basic blood chemistry examinations katulad ng Fasting blood sugar, cholesterol profile, blood urea nitrogen, creatinine, blood uric acid, liver function tests gaya ng SGPT at SGOT, maging ng complete blood count with platelet count at urinalysis.
Nag-aalok din ng libreng chest x-ray at 12-lead Electrocardiogram.
Nabatid na ang lahat ng ito ang pinaka-karaniwang diagnostic examinations na hinihiling para sa medical screening and management.
Inihayag naman ni Vice Mayor April Aguilar na ang gusali ng Las Piñas City Diagnostic Center-2 ay orihinal na ginawang molecular laboratory upang umasiste sa pagsusuri ng COVID-19 infection bilang bahagi ng Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy noong panahon ng pandemya.
Paliwanag pa ng bise alkalde, noong Marso 2022 nakita ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang naturang imprastruktura na mas maseserbisyuhan nito ang mga Las Piñero kung gagawin itong diagnostic center kaysa molecular lab kung saan kontrolado na mula noon ang COVID infection.
Ang pagkakaroon ng karagdagang diagnostic center ng Las Piñas ay bahagi ng kanilang programang “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo” para siguruhin ang kalusugan at kapakanan ng mga Las Piñero.
- Latest