QCPD director, 5 pa pinarangalan
MANILA, Philippines — Dahil sa dedikasyon at pagiging tapat sa trabaho at pgseserbisyo, pinarangalan at kinilala si Quezon City Police District (QCPD) Director, PBrig. Gen. Redrico Maranan at limang tauhan ng District Tactical Motorized Unit (DTMU) sa isinagawang session sa Plenary Hall ng Kongreso nitong Lunes.
Bukod kay Maranan, binati ni Zamboanga 1st District Congressman Khymer Adan T Olaso sina PLtCol Von Alejandrino, PEMS Rodolfo Calma, Jr., PCMS Jesus Chito Manaois, PMSg Ladislao Constantino, at PMSg Marcial Marquez pawang mga tauhan ng DTMU.
Nabatid na nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng DTMU nang makita sa EDSA/ Balintawak ang isang asul na plastic bag na naglalaman ng P30,000 at identification card ng isang Edgar Osila.
Hindi nag-aksaya ng oras ang mga pulis at hinanap ang may-ari ng pera at ID. Natunton ng mga pulis ang nasa ID sa Balintawak Market at sinabing amo niya na si Rhea Bernardo na isang negosyante ang magmamay-ari ng nawawalang P30,000.
Matapos ang beripikasyon, naibalik ng mga pulis ang nasabing halaga sa tunay na may ari.
“Mula sa pamunuan ng QCPD, taos-pusong ipinapaabot namin ang aming pagbati sa limang tauhan ng District Tactical Motorized Unit (DTMU) sa kanilang natatanging pagganap sa sinumpaang tungkulin,” ni Maranan.
Tiniyak ni Maranan na hangga’t siya ang hepe ng QCPD ay masisiguro ang peace and order at maayos na serbisyo ng mga pulis.
- Latest