3 carnapping syndicate nalansag ng Quezon City Police District
19 sasakyan narekober
MANILA, Philippines — Tatlong kilabot na carnapping syndicate ang nabuwag ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kasabay ng pagkakarekober ng 19 na sasakyan at mga motorsiklo sa pinaigting na anti-carnapping operations sa lungsod.
Ayon kay QCPD Chief P/Brig. Gen. Red Maranan, kabilang sa mga nalansag na carnapping syndicate ay ang Casiano Group, Jasareno Group at Mamac Group habang nabawi ang 5 sedan, 6 na SUV, 1 pick up at 7 motorsiklo.
Lumilitaw na karamihan sa mga ay biktima ng rent-tangay modus.
Sinabi ni Maranan na sa pangunguna ng QCPD-District Anti-Carnapping Unit sa pamumuno ni PMaj. Hector Ortencio nakasakote ang karamihan sa mga miyembro nito na agad ring sinampahan ng kaso sa piskalya.
Modus ng mga suspek na magpapanggap na customer at magprisinta ng mga pekeng dokumento para rentahan ang sasakyan na kalaunan ay tatangayin na. Ilan pa nga sa mga narekober na sasakyan ang “tampered” na at muntikan nang maibenta.
Pinuri ni Maranan sina LtCol. Jerrold Jake Maguerra ng Galas Police Station; LtCol. Jewel Nicanor ng Masambong Police Station; Lt. Col. Reynaldo Vitto ng Novaliches Police Station at Lt. Col. Jake Barila ng Project 4 Police Station sa walang humpay na operasyon laban sa kriminalidad sa kanilang nasasakupan.
Dalawang biktima ang nagtungo sa QCPD kung saan ibinalik na sa kanila ang dalawang sasakyan na 2023 pa natangay. Laking pasasalamat nila sa QCPD dahil narekober pa ang kanilang mga sasakyan.
- Latest