3 extortionist na konektado sa First Lady, timbog ng CIDG
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang tatlong extortionist at nagpakilalang konektado kay First Lady Liza Araneta-Marcos para mag-extort ng pera mula sa complainant.
Kinilala ni CIDG Director Police Major General Romeo Caramat ang mga inaresto na sina alias “Isko,” 48; alias “Joselito,” 46, at isang miyembro ng Philippine Marines na si alias “German,” 42.
Ayon kay Caramat, isinagawa ang entrapment operation na bahagi ng OPLAN OLEA sa Bluebay Walk, Metropolitan Park Building, Diosdado Macapagal Boulevard, Pasay City nitong Lunes ng gabi.
Bunsod naman ito ng reklamo ng biktima laban kay alyas “Isko,” na nanghihingi umano sa kanya ng ?5 milyon kapalit ng proteksyon sa Land Transportation Office (LTO) para sa kanyang Emissions Testing and Medical business.
Napag-alaman na tinatakot ng grupo ang mga negosyante sa nasabing lungsod na ipapasara ang kanilang mga establisyemento kung hindi magbibigay ng pera.
“Si alyas “Isko” ay nag-claim ng impluwensya at direktang koneksyon sa ating First Lady Marie Louise Araneta Marcos, na kung tumanggi ang biktima na ibigay ang hinihinging pera ay ipakakansela niya ang lahat ng kanyang mga transakyon sa negosyo,” ani Caramat.
Pinaalalahanan ni PLt. Col. Jose Joey Arandia ng CIDG-NCR ang publiko na mag-ingat laban sa mga taong gumagamit sa pangalan ng First Lady para sa kanilang personal na interes.
Naglabas na rin ng pahayag ang Palasyo na hindi kailanman nakikialam ang First Lady sa mga bagay na may kinalaman sa pamamahala at pananagutin sa batas ang sinumang gumagamit sa kanyang pangalan.
Nakuha sa mga suspek ang marked money; Caliber. 45 AOP TAURUS made in Brazil; tatlong steel magazine ng Cal .45; 32 piraso ng live ammunition ng Cal .45 firearms; License to own and possess firearms (LTOPF); Firearms Registration; Permit to carry all na nakapangalan sa isang alias “Joselito” at Plastic Eco bag.
Ang mga arestadong suspek ay sinampahan ng kasong Robbery Extortion sa City Prosecutor’s Office ng Pasay City.
- Latest