'Motornapper' huli sa Valenzuela nang magpresenta ng rehistrong 'di kanya
MANILA, Philippines — Nasakote ang isang delivery boy ng tubig sa diumano'y pagnanakaw ng motorsiklo matapos maharang ng mga pulis Valenzuela isang "Oplan Sita" checkpoint.
Ayon sa pahayag ng Valenzuela City Police Station, Huwebes nang maaresto ang suspek na kilala lang sa pangalang "Dela Cruz" sa kahabaan ng Barangay Mabolo matapos magpresenta ng rehistrong hindi kanya.
"May ipinakita po siya sa amin na OR/CR [LTO official receipt/ certificate of registration] pero hindi po nakapangalan sa kanya," wika ni PCpt Robin Santos, hepe ng substation-5, ngayong Biyernes.
"Itinawag po namin agad sa Tondo Police Station."
Sinasabing 20-anyos si Dela Cruz, residente ng Tondo, Maynila, at nagtratrabaho bilang isang delivery boy ng tubig.
Nabatid ng Valenzuela Police sa kanilang pagbeberipika na "tinangay" ni Dela Cruz ang minamanehong Honda Click 125 habang nakaparada sa Nepa St., corner Buendia St., Tondo Manila, noong ika-7 ng Marso bandang 2:55 a.m.
Positibo namang kinilala ng 46-anyos na babaeng biktima ang kanyang motorsiklo, na siyang nagpatala na ng police blotter sa kanilang lugar matapos matuklasang nawawala ang kanyang sasakyan.
Hawak naman na ng Tondo Police Station (TPS) si Dela Cruz matapos magsagawa ng kaukulang dokumentasyon sa Valenzuela Station Investigation Unit (SIU).
- Latest