Tinangay na beybi sa Maynila, nabawi na
MANILA, Philippines — Naibalik na ng ligtas sa kanyang ina ang isang beybi na unang tinangay ng isang babae sa Ermita, Manila noong Biyernes ng hapon.
Nabatid na kusang-loob na isinauli ng suspek na kinilala lang na si alyas Jenny Fernandez ang pitong buwang gulang na sanggol sa kanyang inang si Alpha Mercado kamakalawa ng hatinggabi sa Baclaran sa Parañaque City, matapos na mag-viral ang post hinggil sa ginawa niyang pagtangay sa sanggol.
Sumama rin ang suspek sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Ermita Police Station 5 (PS-5) at nagbigay ng salaysay.
Paliwanag ng suspek, wala siyang planong nakawin ang sanggol, na kusa umanong ibinigay sa kanya ng ama ni Mercado dahil pagod na umano itong mag-alaga sa bata.
Iniuwi umano ng suspek ang sanggol at binilhan ng gatas at diaper ngunit laking gulat niya nang makitang nakapaskil na sa social media na tinangay niya ang bata.
Sa takot, umuwi sa Norzagaray, Bulacan ang suspek at malaunan ay kumontak sa pamilya ng sanggol upang isauli ito.
Ang mga pahayag ng suspek ay taliwas naman sa pahayag ng ina ng sanggol na nagsabing iniwanan niya ang sanggol sa kanyang ama noong Biyernes dahil kailangan niyang magtrabaho.
Nalaman na lamang umano niyang nawawala na ang sanggol nang tawagan siya ng isa pa niyang anak.
Sinasabing ipinahawak ng lolo ang apo sa suspek dahil iihi ito ngunit pagbalik ay wala na ang bata.
Kaagad umanong humingi ng tulong ang pamilya sa mga awtoridad at nakita sa kuha ng CCTV ang pagtangay ng suspek sa biktima.
Dito na umano nila ipinaskil ang pangyayari sa social media upang matulungan silang maibalik ang bata.
Wala naman na umanong plano pa ang pamilya ng biktima na magsampa pa ng reklamo sa suspek.
- Latest