459 bilanggo mula Bilibid, nailipat na sa Iwahig
MANILA, Philippines — Maayos na nailipat nitong Sabado sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa, Palawan ang 459 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NPB) sa Muntinlupa City, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sa kabuuan, umabot na sa 1,254 ang bilang ng mga PDLS na inilipat sa iba pang operating prison at penal farm ng BuCor mula Enero ng taong ito.
Inihayag ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na batay sa report na isinumite sa kanya ni Acting NBP Superintendent, C/Chief Inspector Roger Boncales kabilang sa inilipat ang isang inmate na ibiniyahe ng IPPF na sakay ng ambulansiya matapos ma-diagnose na may hypokalemia.
Ayon kay Catapang, ang paglipat ng mga PDL sa labas ng Metro Manila ay isang stop gap measure sa pagbawas ng overcrowding sa NBP habang hinihintay ang budget para sa pagtatayo ng regional correction facilities bilang bahagi ng medium and long term development and modernization plan nito.
Susuporta rin ito sa kinakailangang manpower sa Reformation Initiative for Sustainable Environment (RISE) for Food Security project.
Batay sa datos sa nakalipas na 5 taon, ang average na bilang ng naa-admit ng BuCor ay nasa 7,823 kada taon, na higit na mas malaki sa pinalalaya na may average lamang na 5,327 sa bawat taon.
Ang BuCor sa patnubay ni Justice Secretary Crispin Remulla, ay naglabas ng kabuuang 11,347 PDLs mula Hunyo 2022 hanggang Enero 2024 sa ilalim ng “Bilis Laya” Program.
Naipasa na ng BuCor ang 36,044 PDL Prison Records sa Board of Pardons and Parole (BPP) para sa evaluation, deliberation, at resolution alinsunod sa DOJ Memorandum na may petsang September 2023.
- Latest