3 paaralan sa Taguig, nakatanggap ng bomb threat
MANILA, Philippines — Panibagong bomb threats ang bumulabog kahapon sa tatlong paaralan sa Taguig City, isang araw matapos ang magkakasunod na email bomb threats sa ilang tanggapan ng mga ahensya ng gobyerno.
Dahil sa pangamba na natanggap na bomb threat bago mag-alas-12:00 ng tanghali kahapon, pinauwi na ang mga estudyante ng University of Makati (UMAK) na matatagpuan sa West Rembo, sa huridiskyon sa Taguig City.
Kabilang din sa nirespondehan ang mga awtoridad ang bomb threats sa Bonifacio Elementary School at West Rembo Elementary School sa nasabing lungsod.
Gayunman, negatibo naman sa anumang pampasabog o bomba ang eskwelahan matapos ang inspeksyon, ayon kay Taguig City Police Director P/Colonel Robert Baesa.
Nitong Pebrero 12 nang bulabugin din ng bomb threats ang ilang ahensya ng pamahalaan sa Quezon City, Taguig, Bataan at Olongapo.
Kabilang sa nirespondehan ng Taguig City Police ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) at Department of Science and Technology (DOST).
Nagmula umano ang banta sa email na ipinadala ng isang Takahiro Karasawa na may pasasabugin sa ganap na alas-3:34 ng hapon nitong Lunes. Ito ay kasalukuyang iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI)
Patuloy pang iniimbestigahan ng Taguig City Police Station ang insidente kung may kinalaman din sa naganap na serye ng bomb threats ang insidente sa UMAK.
- Latest