14-anyos patay sa Russian roulette
MANILA, Philippines — Patay ang isang binatailyo makaraang aksidenteng tamaan ng bala mula sa baril na pinaglaruan ng kaniyang pinsan sa loob ng isang bahay sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Nakilala ang nasawi na si Alexis Michael Santos, 14-anyos, nakatira sa Brgy. 96, Tondo. Nadakip naman ang kaniyang pinsan na si Edu Crisostomo, 22, ng Romana Street, ng parehong barangay.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11:30 kamakalawa ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ni Crisostomo.
Sa panayam sa mga kaanak ng suspek at biktima, pinaglalaruan umano ng dalawa ang isang kalibre .38 na rev. nang bigla itong pumutok at tinamaan ng bala sa ulo si Santos.
Agad na isinugod sa Tondo Medical Center ang biktima ngunit hindi na rin ito naisalba pa.
Narekober naman ng mga pulis ang baril sa loob ng bahay, habang isinuko ng kaniyang ate si Crisostomo sa pulisya para panagutan ang pangyayari.
Nakaditine ngayon sa MPD-Station 1 Custodial Jail ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso sa Prosecutor’s Office ng Maynila.
- Latest