Pagsampa sa Andas ng Nazareno, bawal na!
MANILA, Philippines — Hindi na maaaring makasampa sa andas ng Itim na Nazareno ang mga deboto nito sa pagbabalik muli ng Traslacion ngayong taon.
Ito ang mahigpit na tagubilin ni Fr. Hans Magdurulang, tapagsalita ng Nazareno 2024, makaraan ang unang pahayag na lalagyan ng salaming kahon ang imahe ng Itim na Nazareno.
Iginiit ng pari na ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ay hindi lamang para sa mga deboto, ngunit maging sa lahat ng mananampalataya na nais makita ang imahe.
Maaari pa rin naman na magpapunas ng kanilang bimpo o panyo ang mga deboto sa mga miyembro ng Hijos del Nazareno dahil sa may ilalabas pa rin na parte ng imahe.
Nasa kasagsagan na ng paghahanda ang Hijos sa ngayon na iginiit na mahigpit nilang babantayan pa rin ang imahe.Nanawagan sila sa mga deboto ng kooperasyon at igalang ang panuntunan na kanilang ipatutupad para sa maayos na prusisyon para maipakita ang totoong kahulugan ng kanilang pagiging deboto.
Inaasahang milyun-milyon ang dadagsa sa Quiapo mula sa nobenaryo sa Disyembre 31 hanggang Enero 10, 2024. Pinaalalahanan ang mga deboto na papasok ng simbahan na magdala ng face mask at alcohol.
Samantala, mahigit 13,000 kapulisan ang ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) para sa pagbabantay sa isasagawang Traslacion 2024 o Pista ng Itim na Nazareno sa darating na Enero 9, 2024.
Ayon kay PNP chief PGen. Benjamin Acorda Jr., target nilang magdeploy ng nasa kabuuang 13,691 na mga pulis upang masiguro ang seguridad ng publiko partikular na ng mga deboto.
- Latest