695 libong noche buena boxes, naipamudmod na
MANILA, Philippines — Nagtapos na ang pamamahagi ng 695,000 Noche Buena boxes nina Manila City Mayor Honey Lacuna sa mga pamilyang residente ng siyudad na ipinamudmod sa loob ng lumipas na 12 araw.
Nitong Disyembre 1 nang umpisahan ni Lacuna kasama si Vice Mayor Yul Servo at iba pang mga opisyales ang pag-iikot sa mga barangay sa District 1 hanggang 6 sa siyudad para sa pamamahagi ng Noche Buena boxes.
Ang Noche Buena boxes ay may lamang Spaghetti noodle, Spaghetti sauce, fruit cocktail, 3 kilo ng bigas, keso, isang lata ng crema condensada at limang lata ng corned beef, na maaaring ihanda ng mga maralitang pamilya sa darating na Pasko.
Kahapon, sa ika-12 araw ng pamamahagi ng Noche Buena boxes, ipinamudmod ito sa mga residente ng District 5 at 6. Personal pang nagtungo si Lacuna sa Belen Street at sa Central Basketball Court at pinangunahan ang pamimigay ng mga ito.
Samantala, nasa 175,000 Christmas gift boxes naman ang ipinamahagi sa mga rehistradong senior citizens sa siyudad.
- Latest