Village of lights at grand bazaar sa Maynila, magbubukas ngayon
MANILA, Philippines — Nakatakda nang magbukas ngayong Lunes sa lungsod ng Maynila ang taunang “Paskuhan sa Maynila Village of Lights and Grand Bazaar.”
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, si Permits Bureau chief Levi Facundo ang nag-organisa ng bazaar, na may mga stalls na nag-aalok ng iba’t ibang uri ng goods, na ideyal na pangregalo ngayong Kapaskuhan.
Anang alkalde, ang bazaar ay matatagpuan sa Mehan Garden, malapit sa Manila City Hall. Pormal itong bubuksan sa publiko ngayong Lunes, Disyembre 11, 2023 na tatagal hanggang Enero 1, 2024, mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi.
Nabatid na naging posible rin ang proyekto dahil sa pagsusumikap ng Bureau of Permits at sa Local Economic Development and Investment Promotions Office (LEDIPO-Manila).
Anang alkalde, layunin nitong isulong at suportahan ang mga lokal na negosyante sa lungsod.
Sinabi naman ni Facundo na nasa 100 negosyante ang lalahok sa bazaar ngayong taon.
Inimbitahan naman ni Lacuna ang publiko na magtungo sa bazaar dahil libre naman ito sa publiko.
- Latest