2nd autopsy, giit ng pamilya ng isang stude na natagpuang nakabigti sa iskul
MANILA, Philippines — Nais ng pamilya ng 13-anyos na dalagitang natagpuang nakabigti kasama ang isa pang kapwa high school student na muling maisalang sa awtopsiya ang una upang magkaroon sila ng kapanatagan.
Ito’y sa kabila ng ulat ng Taguig City Police Station at Southern Police District (SPD) na walang foul play sa pagkamatay ng dalawang estudyante ng Signal Village National High School (SVNHS).
Samantala, ayon sa SPD Forensic, walang foul play kung ibabase sa isinagawang autopsy sa dalawang estudyante na sina Irish Sheen Manalo, 13 at Mary Nicole Picar, 15 .
Sila ay natagpuang kapwa wala ng buhay sa loob ng isang maliit na opisina ng Girl Scout of the Philippines sa nasabing eskwelahan alas 11:00 ng gabi.
Iginiit ni Norman Manalo na hindi naman sa hindi sila nagtitiwala sa mga awtoridad kungdi, gusto lamang magkaroon sila ng peace of mind.
Kinukuwestiyon niya kung bakit may susi ng Girls Scout office ang dalawa at bakit hinayaang magtungo doon sa kabila ng may event ang Boy Scout na wala naman silang partisipasyon.
Ipinagtataka rin umano ng ama ni Irish na si Osmundo kung bakit nakasuot ng uniporme ng eskwelahan ang anak nang matagpuan gayung umalis ito ng bahay ng hindi naman naka-uniporme nang magpaalam na magtutungo sa simbahan ng gabing iyon.
- Latest