Rider sangkot sa aksidente, timbog sa mga baril sa Quezon City
MANILA, Philippines — Naging maagap ang mga tauhan ng La Loma Police Station nang kanilang masabat ang isang motorcycle rider na unang nasangkot sa banggaan at makumpiskahan ng mga baril kahapon ng madaling araw sa Brgy. San Jose Quezon City.
Arestado ang suspek na kinilalang si King Xyrus Jetrix Abellano ng Tagaytay St., Caloocan City.
Sa imbestigasyon ni PMaster Sgt. Harold Jake Dela Rosa ng La Loma Police Station, unang naharang ang suspek sa panulukan ng Mauban St., at A. Bonifacio Avenue, Barangay San Jose, Quezon City nang masangkot ito sa banggaan.
Habang nagpapatrolya ang QC 154 na kinalululanan nina PCpl. Jan Kenneth Sacay at PStaff Sgt. Emiliano Aurellado nang madaanan nila ang dalawang lalaking sangkot sa banggaan. Agad nilang tinugunan ang traffic incident hanggang sa magkasundo naman ang magkabilang panig.
Gayunman, napansin ng mga pulis ang nakaumbok sa beywang ni Abellano at nadiskubre ang mga dala nitong caliber revolver (paltik), isa pang baril na nakalagay sa holster, at isang gas type replica WE Glock, kaya agad siyang inaresto.
Kinumpiska rin sa suspek ang kanyang Honda PCX na may plakang 941QRG, cellular phone at coin purse na naglalaman ng P1,279.50.
- Latest