Road rage sa Tondo: 1 patay
Driver ng van sinagasaan ng nakagitgitang trak
MANILA, Philippines — Patay ang isang driver ng isang aluminum van makaraang sadyaing sagasaan ng driver ng isang trailer truck na kaniyang nakagitgitan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang nasawi na si Benjamin Bagtas, 47, ng Parola, Tondo.
Nadakip naman ang suspek na si Marlon Ilas, 34, ng Malig, Isabela City.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa southbound lane ng Mel Lopez Blvd., malapit sa Smokey Mountain, Vitas, Tondo.
Nabatid na magkasabay na binabaybay ng sasakyan ng biktima at suspect ang southbound lane ng Mel Lopez Blvd. nang magkagitgitan ang mga ito.
Pagsapit sa malapit sa Smokey Mountain Police Community Precinct, bumaba ng van ang biktima at kinompronta ang suspek.
Dito nagkasigawan ang dalawa at nagkahamunan ng away.
Sa halip na bumaba ng trak, pinaarangkada ng suspek ang kaniyang sasakyan patungo sa direksyon ng biktima dahilan para mabunggo siya at maipit sa pagitan ng dalawang sasakyan.
Ipinagpatuloy pa ng suspek ang pag-andar hanggang sa makaladkad ang biktima.
Isinugod sa Tondo Medical Center ang biktima kung saan siya idineklara na wala nang buhay, habang nadakip ng mga tauhan ng Smokey Mountain PCP ang papatakas na suspek.
Nahaharap ngayon si Ilas sa kasong Murder sa Prosecutors’ Office ng Maynila.
- Latest