Makati nagmosyon sa korte vs Taguig
MANILA, Philippines — Naghain ang pamahalaang lungsod ng Makati ng mosyon sa Taguig City Regional Trial Court Branch 153 para humingi ng ‘status quo ante order’ upang pigilan ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa pag-angkin umano sa mga gusali na ipinatayo nila sa mga EMBO barangays.
Sa inihain na “Urgent Motion for Clarification with Prayer for the Issuance of a Status Quo Ante Order”, hiniling ng Makati City sa Taguig RTC na maglabas ng status quo order laban sa Taguig City upang pigilan ang mga pagtatangka ng huli na sapilitang ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema nang walang writ of execution mula sa trial court.
Inihain ni Mayor Abby Binay ang ‘urgent motion kasama sina City Administrator Claro Certeza at City Legal Officer Michael Camiña.
Ang status quo order na kahalintulad ng cease-and-desist order ay isang kautusan para ibalik ang dating sitwasyon bago ang kontrobersya. Hindi umano nito sinasaklawan ang kautusan ng Korte Suprema ukol sa hurisdiksyon ng mga barangays.
Sinabi ni Binay na nais lamang ng Makati na maging maayos ang pagpapatupad ng Supreme Court decision nang hindi gaanong magagambala ang mga residente at tuluy-tuloy pa rin ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga apektadong lugar.
Tinukoy ng Makati ang ilang mga “nakakaalarma at nakakalitong insidente”, tulad ng tangkang pagpasok umano ng Taguig sa loob ng isang housing project na pag-aari ng Makati at sapilitang pag-angkin sa public school buildings at health centers sa mga apektadong barangays.
Bukod dito, hindi rin malinaw na nakasaad dito ang eksaktong mga hangganan ng parcels 3 at 4 sa Psu-2031 sa Fort Bonifacio.
- Latest