Pura Luka Vega, inaresto ng MPD
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang drag artist na si Pura Luka Vega sa Sta. Cruz, Manila, kahapon ng hapon.
Nabatid na si Vega, o Amadeus Fernando Pagente sa tunay na buhay, 33, ay inaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng MPD-Sta Cruz Police Station (PS-3) dakong alas-4:10 ng hapon sa kanyang tahanan sa Hizon St., sa Sta. Cruz.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Czarina Villanueva ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 36, kaugnay sa kinakaharap niyang kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code (Immoral Doctrines, Obscene Publications and Exhibitions, and Indecent Shows), in relation to Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Nagrekomenda naman ang hukuman ng P72,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Vega.
Matatandaang si Vega ay una nang idineklarang persona non grata sa ilang lugar sa bansa matapos mag-viral ang kanyang video kung saan nagpi-perform siya ng isang Ama Namin remix habang nakasuot ng costume ng Itim na Nazareno, sa loob ng isang local bar.
Mariin itong kinondena ng maraming Katoliko at mga religious leaders at tinawag pang “blasphemous.”
Si Vega ay kasalukuyang nakapiit sa MPD Sta. Cruz Police Station habang hindi pa nakakapaglagak ng piyansa.
- Latest