LRT-1 Baclaran station, nagpapalit ng tracks
MANILA, Philippines — Sinimulan na kahapon, Setyembre 20, ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang pagsasagawa ng “rail replacement activities” sa reversing o turnback area ng Baclaran Station ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).
Sa anunsiyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang private operator ng LRT-1, ang naturang aktibidad ay magtatagal hanggang sa Setyembre 24, bilang bahagi ng nagpapatuloy na railway upgrade program.
“Heads up, mga ka-riles! Magkakaroon ng pagpapalit ng tracks sa bahagi ng #LRT-1 Baclaran Station (reversing o turnback area ng nga tren) bilang bahagi pa rin ng tuloy-tuloy na pagsasaayos ng LRMC para sa mas ligtas at maaasahang sistema ng LRT-1,” abiso ng LRMC.
Ayon sa LRMC, isinarado nila ang bahagi ng Baclaran reversing tracks upang makumpleto ang kinakailangang engineering works ng episyente at ligtas.
Gayunman, ito anila ay tiyak na magreresulta sa ilang limitasyon sa galaw ng mga tren, gayundin sa train deployment, at paggamit ng station platforms para sa mga loading at unloading passengers.
Dagdag ng LRMC, inaasahan din nilang magkakaroon ito ng impact sa train timetable ng LRT-1, gayundin sa headway, o yaong time interval sa pagitan ng dalawang magkasunod na tren, na mas tatagal at magiging 5-minuto mula sa kasalukuyang apat na minuto lamang.
Inaasahan naman ng LRMC na mababalik sa normal ang operasyon ng LRT-1 sa Lunes, Setyembre 25.
- Latest