Nagbigay ng maling impormasyon sa SIM card registration, mananagot – NTC
MANILA, Philippines — Nagbanta ang National Telecommunications Commission (NTC) na parurusahan nito at ipakukulong ang sinumang indibiduwal na nagbigay ng maling impormasyon sa isinagawang SIM card registration sa bansa.
Ito ang ibinabala ni NTC Commissioner Jon Paulo Salvahan nang makarating ang report sa kanya na ang SIM enrollment system ay nakatanggap ng litrato ng isang unggoy (monkey) sa isinagawang registration kahit na dumaan sa kanilang screening process.
Sinabi ni Salvahan na inatasan na ng NTC ang telco companies na magsumite ng data ng katulad na pangyayari o nakakita ng anumang fraudulent o fictitious registration upang makagawa ng kaukulang hakbang para dito.
Bumuo na anya ang ahensiya ng isang technical working group upang mapaigting pa ang implementing rules and regulations ng batas hinggil dito.
Ang sinumang mapapatunayang indibidwal na nagbigay ng maling impormasyon sa Simcard registration at nagbenta ng pre-registered SIM sa ibang tao ay maaaring makulong ng mula 6 na buwan hanggang 2 taong pagkabilanggo at multang mula P100,000 hanggang P300,000.
- Latest