Marikina River, nakataas pa rin sa unang alarma
MANILA, Philippines — Nakataas pa rin sa unang alarma ang antas ng tubig sa Marikina River hanggang nitong Linggo ng hapon.
Batay sa Marikina City Water Level Update, na ipinaskil ng Marikina City Public Information Office (PIO), nabatid na hanggang alas-2:32 ng hapon ng Linggo ay nasa 15.6 metro pa rin ang antas ng tubig sa ilog.
Dulot pa rin ito ng manaka-naka at malalakas na pag-ulan na naranasan sa Metro Manila nitong Linggo ng umaga, na dala ng Habagat na pinalalakas ng Bagyong Hanna.
“All gates are open,” ayon pa sa anunsiyo.
Unang itinaas ang unang alarma sa ilog ganap na alas-3:30 ng hapon ng Sabado, matapos na umakyat sa 15 metro ang taas nito.
Sa ilalim ng sistema, itinataas ang unang alarma sa ilog, kapag ang antas ng tubig nito ay umabot sa 15 metro.
Nangangahulugan ito na kailangan nang maghanda ang mga residente, sa posibleng paglikas.
Ang ikalawang alarma naman ay itinataas kung umabot na sa 16 metro ang antas ng tubig sa ilog.
Nangangahulugan ito na kailangan nang lumikas ng mg residente na naninirahan sa mabababang lugar.
Ang ikatlong alarma ay itinataas kung umabot na ang antas ng tubig sa 18 metro, na ang ibig sabihin ay magpapatupad na ang lokal na pamahalaan ng forced evacuation.
Samantala, nabatid na sarado rin sa publiko ang mga bahagi ng Marikina River Park kahapon.
- Latest