PNP nagbabala sa mga vloggers vs prank video
MANILA, Philippines — Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. sa mga content creator o vlogger na gumagawa ng takot at kaguluhan sa publiko dahil sa prank video.
Ang babala ay ginawa ni Acorda matapos arestuhin ng Las Piñas City Police Station kamakailan ang tatlong sikat na vlogger na kilala bilang “Tukomi brothers” na sina Mark Heroshi San Rafael, Mark Lester San Rafael, at Eleazar Steven Fuentes.
Ayon kay Acorda, papanagutin nila ang mga vloggers at content creators tulad ng tatlong dinakip dahil hindi biro ang ginawa ng mga ito na kidnapping prank. Nag-viral ang nasabing prank video.
Ang mga akusado ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Art. 513 ng Revised Penal Code o Alarm and Scandal dahil sa insidenteng kinasangkutan ng mga ito noong April 6, 2023.
Matatandaang nagsagawa ng kidnapping prank ang tatlong popular na You-tuber na hindi natuloy matapos masaksihan ng isang pulis at muntik nang tumuloy sa engkwentro.
- Latest