Caloocan LGU umayuda sa mga binaha
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng inspeksiyon si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, sa ilang barangay sa lungsod kung saan namigay ng mga pagkain at tulong medikal matapos ang pananalasa ng bagyong Egay.
Kasama ang mga tauhan ng City Health Department (CHD) at City Social Welfare and Development Department (CSWDD), personal na binisita ni Malapitan ang mga residente sa Brgy. 180, 183, at 185 na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Malapitan, walang dapat ikabahala ang mga residente dahil ibibigay ng LGU ang lahat ng tulong at pangangailangan ng mga evacuees hanggang sa maging maayos ang kanilang pagbabalik sa kanilang mga tahanan.
“Tiniyak po natin na mayroong pagkain, sapat na atensyong medikal at maayos na matutulugan ang ating mga kababayan sa gitna ng pagbabaha at tuluy-tuloy na pag-ulan sa kanilang lugar. Sisiguruhin natin na komportable sila sa evacuation center hanggang makabalik sila sa kani-kanilang tahanan,” ani Malapitan.
Kasabay nito, binisita rin ni Malapitan ang mga flood-prone areas sa lungsod kabilang ang Doña Aurora sa Brgy. 177; Phase 6 sa Brgy. 178, at Crispulo St. at Quirino Highway sa Brgy. 180.
Inatasan ni Malapitan ang City Engineering Department na pag-aralan ang mga posibleng solusyon upang maiwasan ang mga pagbaha. Nanawagan din ito sa mga residente na agad makipag ugnayan sa city govt sakaling may emergency situations sa pamamagitan ng alert and monitoring emergency hotline.
“Nagbigay na po ako ng direktiba sa ating City Engineering Department na magsagawa ng mga dredging operation at magkaroon ng mga proyekto upang maibsan ang pagbaha sa mga lugar sa ating lungsod,” dagdag pa ng alkalde.
- Latest