Charity Bazaar para sa public schools , binuksan ni Mayor Joy
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagbubukas sa publiko ng KILO/S KYUSI o “Kilo Store ng Bayan, Tulong para sa Kinabukasan” Charity Bazaar ng Quezon LGU .
Ang naturang bazaar ay matatagpuan sa Inner Lobby ng High Rise Bldg., Quezon City Hall na tampok rito ang mga pre-loved at brand new items na ang iba ay ibebenta ng kada kilo.
Ilan sa mga mabibili rito ang formal gowns, locally designed Filipiniana gowns, homeware, bags at iba pa. Ayon kay Mayor Belmonte, ang kikitain sa proyektong ito ay mapupunta sa Quezon City Recovery Trust Fund na siyang gagamitin para sa mga programa na tutugon sa learning loss sa mga pampublikong paaralan sa lungsod partikular na para sa tutoring program ng mga kabataang estudyante sa QC
“Batay sa datos ng World Bank na ang Pilipinas ay kulelat sa Math, Science at Education kaya ito pong proyektong ito ay layuning tugunan ang learning loss at magkaroon ng learning recovery” pahayag pa ni Mayor Belmonte.
Hinikayat din ni Mayor Belmonte ang publiko na tangkilikin ang programa na nagtutulak din ng pag-reuse sa textile tuloy mababawasan ang problema ng polusyon.
Anya ang proyektong ito ay naisagawa sa pagtutulungan ng mga tanggapan ng QC hall at mga NGOs na nakabase sa lungsod.
Bukas ang Kilo/S Kyusi Kilos Store hanggang Biyernes, July 21 mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon. Kasama ni Mayor Belmonte sa pagbubukas ng bazaar si Vice Mayor Gian Sotto at mga konsehal ng lungsod.
- Latest