Suspek sa hazing sa menor-de-edad, timbog
MANILA, Philippines — Nalambat na ng mga pulis ang isang lalaking itinuturong suspek sa isang insidente ng hazing at pagpaparusa sa isang menor-de-edad na lumipat ng kinaaanibang fraternity group, sa Quezon City, nabatid kahapon.
Ayon kay PLt. Col. Resty Damaso, station commander ng Masambong Police Station (PS 2) ng Quezon City Police District, ang naaresto ay nakilalang si Romulo Palermo III, 21-anyos, residente ng Road 9-3 Mindanao Avenue, Brgy. Project 6, Quezon City.
Si Palermo ay itinuturong isa sa grupo ng mga frat members na nagparusa at nag-hazing sa biktimang hindi na pinangalanan dahil sa pagiging menor-de- -edad, dahil lamang sa ginawa nitong paglipat ng ibang grupo.
Batay sa ulat, ang minor na biktima ay halos isang taon nang miyembro ng Scout Royal Brotherhood (SRB) NU-Theta Chapter Fraternity.
Gayunman, noong Mayo 2023, nagdesisyon umano ang biktima na mag-quit sa SRB at lumipat sa ibang grupo, na tinatawag namang Magic Five (M5).
Hindi umano ito nagustuhan ng mga suspek, sanhi upang hantingin siya ng mga ito upang parusahan dahil sa pagiging “disloyal” na miyembro sa kanilang samahan.
Nabatid na dakong alas-5:30 ng hapon ng Hunyo 16 nang matiyempuhan ang biktima nina Palermo, pangulo ng Magic 5 fraternity; Daryl Sanchez, ng Akhro farternity at Simon Perez, pangulo ng SRB fraternity, sa isang gasolinahan sa West Avenue, Brgy. Bungad, Quezon City.
Kaagad umanong kinompronta ng mga suspek ang biktima dahil sa ginawang pag-alis niya sa grupo at sumapi sa ibang fraternity. Sapilitan siyang dinala sa San Roque sa Brgy. Pag-asa, kung saan siya binalak na patawan ng disciplinary action, bilang bahagi ng kanilang fraternity rules.
Gayunman, kalaunan ay inilipat muli ang biktima sa isa sa mga shop sa Road 10, Brgy. Pagasa, Quezon City kung saan nakita nila ang dalawa pang suspek na sina alyas “Brod Red” at “Brod Rence” na siyang nagsagawa umano ng hazing at pagpaparusa sa kanya.
Matapos parusahan, nagawa pa umanong makauwi ng biktima sa kanilang bahay, kung saan siya nawalan ng malay-tao dahil sa tindi ng pahirap na dinanas mula sa kamay ng mga suspek.
Kaagad naman siyang dinala ng kanyang ina sa pagamutan upang malapatan ng lunas at saka humingi ng tulong sa mga pulis, na nagresulta sa pagkakadakip kay Palermo sa isang gasolinahan sa Brgy. Bungad habang nakatakas ang mga kasama nito na tinutugis na ng mga otoridad.
- Latest