AICS satellite office binuksan na ng DSWD sa Pasig City
MANILA, Philippines — Bukas na sa serbisyo ang bagong satellite office ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Pasig City.
Ang AICS satellite office ay matatagpuan sa ikalawang palapag ng Lianas Supermarket sa Caruncho Avenue, Barangay Palatiw at katabi lang ng Pasig Mega Market.
Ginawa ito ng DSWD para mailapit sa mga mamamayan ng lungsod ang serbisyo ng AICS program na hindi na kailangang magtungo pa sa punong tanggapan ng DSWD.
Pagsisilbihan ng satellite office ang mga residente na nakatira sa Eastern Metro Manila tulad ng lungsod ng Pasig, Marikina, Taguig, at bayan ng Pateros.
Una nang binuksan ng DSWD ang CAMANAVA Satellite Office sa Victory Trade Plaza sa Monumento na magsisilbi sa mga residente mula sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, and Valenzuela sa Northern Metro Manila.
Sinundan ito ng Baclaran Satellite Office sa Victory Food Market para naman sa mga residente ng lungsod ng Pasay, Parañaque, Muntinlupa, at Las Piñas sa Southern Metro Manila at ang pinakahuling binuksan ang satellite office sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
- Latest