Dayuhan nahulihan ng P18.4-M halagang 'cocaine' sa Pampanga, kalaboso
MANILA, Philippines — Arestado ang isang Surinamese national galing Brazil matapos mahulihan diumano ng 3,468 gramo ng iligal na drogang nagkakahalagang P18,380,400 sa loob ng kanyang bagahe, ayon sa Bureau of Customs.
Ika-23 ng Mayo nang magkasa ng drug interdiction operations sa Clark International Airport Terminal 2 ang Passenger Services Division of the Port of Clark matapos makakuha ng impormasyon mula sa Homeland Security Investigation na may kahina-hinalang pasaherong pinagsususpetyahang may dalang illegal narcotics.
Sinasabing dumating ng Pilipinas ang dayuhan mula Dubao sa pamamagitan ng flight number EK338. Sumailalim ang kanyang luggage sa x-ray inspection, K9 sniffing at pisikal na eksaminasyon.
Nakumpirma naman daw sa laboratory analysis ng Philippine Drug Enforcement Agency na nagpositibo bilang cocaine ang droga, isang substance na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.
"This latest apprehension is a result of our increased vigilance and strengthened intelligence gathering as means of guarding our borders, especially now that we are seeing our tourism getting back to normal," wika ni District Collector Elvira Cruz sa isang pahayag, Biyernes.
Isang warrant of seizure and detention naman ang ilalabas laban sa iligal na droga dahil sa diumano'y paglabag sa Section 118(g), 119(d), at 1113 par. (f) ng R.A. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa RA 9165.
Hawak pa rin ng PDEA sa ngayon ang suspek, habang inihahanda ang paghahain ng reklamo laban sa kanya pagdating sa paglabag daw sa Section 4 Article II ng R.A. 9165.
"We remain firm in our commitment to President Ferdinand Marcos Jr.’s directive to curb illegal drug smuggling in the country. We pledge to further improve and strengthen our measures on drug interdiction," panapos ni Bureau of Customs Commissioner Bienvenido Rubio kanina. — James Relativo
- Latest