Higit 1K motorista, huli sa single ticketing system sa NCR
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ni San Juan City Mayor Francis Zamora, na siya ring pangulo ng Metro Manila Council (MMC), na mahigit sa 1,000 motorista ang nahuli ng mga traffic enforcers sa unang tatlong araw pa lang ng implementasyon ng single ticketing system sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Zamora, sa San Juan City pa lamang ay mahigit 100 na aniya ang naitalang violators.
Nasa humigit-kumulang 1,000 naman aniya ang naitalang lumabag sa iba pang lungsod na kalahok sa rollout ng bagong sistema.
Kaugnay nito, ibinalita rin ni Zamora na naging maayos naman ang pagpapatupad ng single ticketing system sa mga unang araw nito.
Nasa limang lungsod sa Metro Manila ang kalahok sa pilot testing ng programa na sinimulan noong Mayo 2.
Anang alkalde, sa ngayon ay naghihintay na lamang ang mga local government units (LGUs) ng handheld gadgets, na makatutulong sa kanila sa paghuli ng mga violators.
Inaasahan naman aniya nilang sa susunod na ilang linggo ay makakalahok na rin sa programa ang iba pang LGUs.
Nabatid na target na maipatupad ang full implementation ng single ticketing system sa ikatlong bahagi ng 2023.
- Latest