Senegalese na nasasabat sa pekeng travel documents, dumarami
MANILA, Philippines — Nakaalerto ngayon ang Bureau of Immigration (BI) sa modus-operandi ng mga sindikato na gumagawa ng mga pekeng travel documents makaraan ang sunud-sunod na pagkakasabat ng mga biyaherong Senegalese sa mga paliparan.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na posibleng may mga sindikato na nag-ooperate at siyang nagbebenta sa mga Senegalese ng pekeng BI stamps at visas.
“This implies that there might be a syndicate that defrauds these Africans and offers to fix their documents, but instead gives them fake ones,” ayon kay Tansingco.
Ito ay makaraan na masabat ang tatlong Senegalese, kabilang ang dalawang minors, nitong Marso sa Mactan-Cebu International Airport (NAIA) makaraang magtangkang lumabas ng bansa gamit ang mga pekeng BI stamps sa kanilang mga pasaporte.
Nang isailalim sa pagsusuri ang kanilang mga dokumento, nadiskubre rin sa forensic documents laboratory na peke rin ang kanilang Schengen visas.
Nauna rito nasabat din sa isa pang lalaking Senegalese na may pekeng BI stamp din sa kaniyang pasaporte.
Nanawagan si Tansingco sa mga dayuhang nananatili sa bansa na tumigil sa pagkuha ng serbisyo ng mga fixers na nangangako na sosolusyunan ang kanilang mga problema sa immigration dahil sa lalo lang lalaki ang kanilang suliranin.
- Latest