Bayad sa palengke, digital na sa Pasig City Mega Market
MANILA, Philippines — Umarangkada na sa Metro Manila ang “Paleng-QR Ph” program ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ito ay makaraan ang sama-samang paglulunsad nina BSP Governor Felipe Medalla, BSP Deputy Governor Bernadette Romulo Puyat, DILG City Director Visitacion Martinez at Pasig Mayor Vico Sotto, sa Pasig City Mega Market ang “Paleng-QR Ph”.
Sa pamamagitan nito, digital na ang pagbabayad sa mga nagtitinda.
Ayon sa BSP, sa paggamit ng digital payments, maaaring maiwasan ang pagkalat ng pekeng salapi at paglaganap ng sakit tulad ng COVID-19.
Hindi na rin kinakailangan pang mag-withdraw dahil cashless transaction na ang ipatutupad.
Maliban dito, sinabi pa ng BSP na kasama sa benepisyo ng programa ang pagpapalawak ng serbisyo.
Maaring gamitin ng mga nagtitinda ang kanilang transaction account upang ma-access ang iba pang mga serbisyong pinansyal tulad ng pautang, insurance at investment.
Dahil sa paglulunsad ng programa, makikita ang mga tindahan sa Pasig City na may banner at logo ng Paleng-QR Ph para makita ng mga mamimili ang mga tumatanggap ng bayad online.
- Latest