300 Dumagat sumugod sa Maynila
Protesta sa kaliwa dam
MANILA, Philippines — Nasa 300 miyembro ng Dumagat-Remontado indigenous people (IP), kasama ang mga miyembro ng mga environmental groups ang dumating kahapon sa Maynila mula sa Quezon bilang bahagi ng kanilang protesta sa Kaliwa megadam project ng pamahalaan.
Nabatid na nitong Pebrero 15 pa nag-umpisang magmartsa ang katutubong Dumagat mula sa General Nakar sa Quezon para sa martsa na tinawag nilang “Alay Lakad Laban sa Kaliwa Dam”.
Nasa 150 kilometro ang nilakad nila sa lalawigan ng Quezon, Laguna at Rizal hanggang sa pintuan ng Malacañang upang ipanawagan ang pagkontra nila sa konstruksyon ng New Centennial Water Source–Kaliwa Dam Project (NWCP-KDP) sa hangganan ng Rizal at Quezon.
Iginiit ng ‘STOP Kaliwa Dam Network’, na labis na makakasira sa kabuhayan, pagkain at pinanggagalingan ng inuming tubig ang pagtatayo ng dam dahil sa maaapektuhan umano nito ang Kaliwa River at Kaliwa Watershed Forest Reserve.
Ikinatwiran naman ng mga proponents ng Kaliwa Dam na ang proyekto ang makakaresolba sa problema sa inuming tubig ng Metro Manila. Lumarga umano ang konstruksyon nito noong 2022 nang magbigay umano ng kanilang consent ang mga IP, na tahasang itinanggi ito.
Ayon sa grupong Indigenous Dumagats, nakakolekta na sila ng 200,000 pirma noong Pebrero 23 mula sa target na 500,000 upang iparating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang protesta sa proyekto.
- Latest