Birth, death at marriage certificate one-week libre sa Pasay
MANILA, Philippines — Bilang pagpupugay sa buwan ng mga puso kasabay ng Civil Registration Month ngayong Pebrero, may handog na libreng serbisyo ang Pasay City Local City Registry Office (LCRO) para sa mga Pasayeño.
Libre ang pagkuha ng certified true copy (CTC) para sa birth, death at marriage certificate simula kahapon, Pebrero 13 hanggang Biyernes, Pebrero 17, 2023.
Sinabi ni Pasay City LCRO chief Romulo Tresvalles sa regular flag ceremony rites sa Pasay City Hall, na ginawa ang proyektong ito sa pamamagitan ng inisyatiba ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Kailangan lamang magtungo sa city hall ang mga gustong kumuha ng CTC at magprisinta ng proper identification o authorization letter kung hindi sila ang nakapangalan sa dokumento bilang pagtalima sa probisyon ng Republic Act 10173 o Data Privacy Act.
Naglabas din ng accomplishment report ang LCRO sa mga nagawa nitong programa, serbisyo, at proyekto noong nakaraang taon.
Ibinida ni Tresvalles sa kanyang ulat sa mayor na nakapagtala ang LCRO noong 2022 ng 13,328 na civil registry documents; nakapag-isyu ng 1,675 na marriage license; 15,260 ang naitala sa civil registry books; at nasa 9, 683 ang kanilang na-encode na data at ibang documentation para sa mas mabilis na data verification at retrieval.
- Latest